Talk N Text dadaan sa 'evaluation' - MVP
MANILA, Philippines - Matapos ang kontrobersyal na kampanya sa quarterfinal round ng 2009-2010 PBA Philippine Cup, dadaan sa isang ‘evaluation’ ang mga Tropang Texters at coaching staff.
Sinabi ni team owner Manny V. Pangilinan na ito ay ordinaryo na nilang ginagawa sa Talk ‘N Text makaraan ang isang torneo.
“Well, we have to. Ganoon naman kami palagi eh, after finishing a tournament,” sambit ni Pangilinan isang oras matapos lumabas ng dugout buhat sa 100-113 kabiguan ng Tropang Texters sa Ginebra Gin Kings sa Game Five ng kanilang quarterfinals showdown noong Linggo sa napunong Araneta Coliseum.
Tinalo ng Ginebra ang Talk ‘N Text, 3-2, sa kanilang quarterfinals duel upang makalaban ang No. 1 Alaska sa best-of-seven semifinals series.
Aminado si Pangilinan, pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at chairman ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP), na mas maganda ang inilaro ng Gin Kings kumpara sa kanyang Tropang Texters sa Game Five.
“Well, I think Ginebra played very well. They deserve to win as well as we should have. Ganoon talaga eh. We wish them luck,” sabi ng PLDT bigboss sa Ginebra.
Bumawi ang Gin Kings buhat sa 0-2 pagkakabaon para maging ikatlong tropa na nakabawi mula sa 0-2 pagkakaiwan sa isang serye matapos ang Purefoods kontra Alaska sa 1990 Third Conference at Crispa laban sa Toyota sa 1975 Third Conference na pawang mga championship series.
Sinikwat ng Talk ‘N Text ang Game One at Game Two, 107-92 at 106-105, ayon sa pagkakasunod, bago nakahirit ng Game Four ang Ginebra mula sa kanilang 102-97 panalo sa Game Three. (RC)
- Latest
- Trending