LOS ANGELES -- Umiskor si Chauncey Billups ng career-high 39 points, kasama rito ang siyam na 3-pointers, upang ibigay sa Denver Nuggets ang 126-113 tagumpay kontra Los Angeles Lakers dito.
Tinapos ng Nuggets ang itinayong eight-game home winning streak ng Lakers.
May 12-of-20 fieldgoals si Billups bukod pa ang 9-of-13 mula sa 3-point range at 6-of-8 clip sa freethrow line.
Naglaro ang Nuggets na wala si Carmelo Anthony sa pang pitong sunod na pagkakataon bunga ng sprained left ankle nito.
“You’ve always got to be confident. There’s a lot of people that can say it, but until you can do it, you’ve got to get that confidence from the right place,” ani Billups. “They’re the world champs. But we feel that we can compete with them.”
Tumipa si Billups ng 21 points sa third quarter na pinakamarami na matapos ang 23 ni Wilt Chamberlain ng Philadelphia 76ers noong Pebrero ng 1966.
Nagtala naman si Kobe Bryant ng 33 points para sa Lakers sa kabila ng ankle injury.
Sa Atlanta, inilista ni Josh Smith ang kanyang ikalawang career triple-double nang talunin ng Atlanta Hawks ang Chicago Bulls, 91-81.
Gumawa si Smith ng 18 puntos, 14 rebounds at 10 assists para sa Hawks.
Sa iba pang resulta, nanalo ang Houston Rockets sa Memphis Grizzlies, 101-83; Washington Wizards sa Orlando Magic, 92-91; Phoenix Suns sa Sacramento Kings, 114-102; Philadelphia 76ers sa New Orleans Hornets, 101-94 at Indiana Pacers sa Detroit Pistons, 107-83.