MANILA, Philippines - Bagamat alas-3 na ng hapon dumating sa Wildcard Boxing Gym, hindi pa rin napigilan ang panggigigil ni Manny Pacquiao sa kanilang training session ni American trainer Freddie Roach.
Sa ulat ng Philboxing kahapon, tumakbo si Pacquiao sa kanyang paboritong Griffith Park at sandaling nagpahinga sa kanyang bahay sa Hancock Park sa Los Angeles, California kung saan naman siya tumanggap ng ilang bisita.
At nang tumapak sa boxing gym, wala nang humpay sa kanyang ensayo si “Pacman”.
Isinuot sa kauna-unahang pagkakataon ang kanyang bagong Nike boxing shoes, sampung rounds ang ibinuhos ni Pacquiao sa punch mitts nila ni Roach matapos ang kaniyang pylometric exercises kay Alex Ariza.
Pagkatapos ng punch mitt session, binalingan naman ni Pacquiao ang double speed bags kasunod ang single speed bag.
Natapos ang naturang training session ni Pacquiao sa pamamagitan ng skipping ropes at mataimtim na dasal.
Ang naturang mga ginagawa ni Pacquiao ay ordinaryo nang nakikita nina Roach at Ariza sa tuwing may laban ang tubong General Santos City.
Nakatakdang itaya ni Pacquiao ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Ghanian challenger Joshua Clottey sa Marso 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
“Marami ang nagsasabing magiging madali lang para sa akin ang laban na ito pero para sa akin, lubhang mapanganib ang sagupaang ito dahil na rin sa taglay na lakas, laki at bilis ni Clottey,” ani Pacquiao sa kanyang boxing column.
Kagaya ng 31-anyos na si Pacquiao, hindi rin nagpapahuli sa kanyang paghahanda ang 32-anyos na si Clottey.
“Joshua was training for awhile in Ghana. He’s in top condition,” wika ni Vinny Scolpino, tumatayong manager ni Clottey, nakatakda nang lumipat sa kanilang training headquarters sa Ft. Lauderdale, Florida. (RCadayona)