NSAs bibigyan ng POC ng sapat na panahon para makapamili ng atleta
MANILA, Philippines - Ang lahat ng National Sports Associations (NSA)s ay bibigyan ng sapat na pagkakataon upang mapatunayan ang kakayahan ng kani-kanilang mga atleta para sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Sinabi ni Chef De Mission Joey Romasanta, secretary-general ng karatedo federation, na wala silang sasabihing NSAs na may potensyal na mag-uwi ng gintong medalya mula sa 2010 Guangzhou Asiad.
“Wala tayong titingnan na isang sports association o dalawa o tatlo para sabihin natin na sila lamang ang ating panlaban,” wika ni Romasanta.
Sa mga nakaraang edisyon ng Asian Games at Southeast Asian Games, ang boxing, taekwondo, swimming at athletics ang palagiang nabibigyan ng importansya ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Lahat sila ay bibigyan natin ng pagkakataon to train their athletes, prepare them as much as they could,” wika ni Romasanta sa mga NSAs. “Pagdating ng August titingnan natin kung ano ang nangyari sa kanilang mga atleta at saka doon tayo gagawa ng pagsasala o pagpili.”
Nangako naman si PSC chairman Harry Angping na ibibigay niya ang kanyang suporta sa bubuo ng national delegation para sa 2010 Guangzhou Asiad.
Noong 2006 Asian Games sa Doha, Qatar, nag-uwi ang mga atleta ng kabuuang apat na gold, anim na silver at siyam na bronze medal para tumapos bilang 18th-placer.
Ang apat na gintong medalya ay ibinigay nina boxers Joan Tipon at Violito Payla, wushu artist Rene Catalan at billiards master Antonio “Gaga” Gabica. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending