RP pasok sa last 16 sa world team championship
MANILA, Philippines - Umabante ang Pilipinas sa Last 16 sa idinadaos na 1st World Team Cup Championship sa Hall 13 Hannover Exhibition Grounds sa Hannover, Germany.
Tinalo ng pambatong bilyarista ng bansa ang Czech Republic sa winner’s qualification sa 4-1 iskor.
Nanguna sa Pilipinas si Dennis Orcollo nang manalo siya sa dalawang laban sa larangan ng 9-all at 10-ball upang makaabante ang bansa sa knockout elimination.
Tinalo ni Orcollo, dating WPA number one player, si Roman Hybler sa 9-ball, 8-2, bago isinunod si Lukas Krenek sa 10-ball, sa 7-2 iskor.
Naunang umiskor ng panalo ang Pilipinas sa 8-ball Scotch Double, 6-3, bago nakabawi ang Czech sa ikalawang laro sa 6-4 iskor.
Pero sa individual events ay hindi nga nakaporma ang kanilang lahok at si Antonio Lining ang kumuna pa ng isang panalo sa 9-ball laban kay Lukas Krenek, 7-2.
Sumalang din sa aksyon si Lee Van Corteza kay Roman Hybler sa 10-ball at matapos maghati ng panalo sa unang dalawang racks ay hindi na ito itinuloy dahil na rin sa pagkakadomina ng Pilipinas sa naunang apat na laro.
Sina Ronato Alcano, Marlon Manalo at Warren Kiamco ang iba pang manlalaro sa koponan ng bansa.
Nakasama ng Pilipinas na umabante sa Last 16 ay ang Poland, Russia, Sweden, Germany, China, Switzerland at USA.
May walong iba pang koponan ang hinihintay mula sa loser’s group upang makumpleto ang 16 na maglalaban-laban sa knockout stage.
May inilaan na $398,000 ang paglalabanan sa torneong ito at ang hihiranging kampeon ay magbibitbit ng $100,000 habang $50,000 ang makukuha ng papangalawang koponan.
Ang mga umabante na sa Last 16 ay nakatiyak na rin ng $6000 premyo.
Tinalo ng RP team ang Great Britain II, 4-0, noong Lunes, habang nilusutan ng Czech Republic ang Korea, 4-3.
- Latest
- Trending