MANILA, Philippines - Kung hindi nalagay sa panganib ang buhay ni Z “The Dream” Gorres, malamang na hindi mabibigyan ng pagkakataon para sa isang title shot si Ciso “Kid Terrible” Morales.
Sa panayam ni Dennis Principe sa kanyang ‘Sports Chat’ sa DZSR Sports Radio mula sa San Leandro, California, USA kahapon, sinabi ng 22-anyos na si Morales na iaalay niya ang kanyang laban kay Mexican three-time world champion Fernando “Cochulito” Montiel para kay Gorres.
“Siguro kung walang nangyari sa kanya baka siya ang kalaban ngayon ni Montiel at hindi ako,” sambit ni Morales kay Gorres.
Matatandaang sumailalim sa isang brain surgery si Gorres sa University Medical Center sa Las Vegas, Nevada matapos ang kanyang unanimous decision win kay Luis Melendez ng Colombia sa kanilang 10-round, non-title fight noong Nobyembre 13.
Ang 28-anyos na si Gorres ang siya sanang ilalaban ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa 30-anyos na si Montiel.
Hahamunin ni Morales si Montiel para sa bitbit nitong World Boxing Organization (WBO) bantamweight title sa “Pinoy Power 3/Latin Fury 13” sa Pebrero 13 sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
“Iyong itinuro sa akin ni coach Dodong (Nonito Donaire, Sr.) na jab, jab lang at kapag pumasok si Montiel konting slide at jab at straight naman,” wika naman ni Morales sa kanilang estratehiya laban kay Montiel.
Tangan ni Montiel ang kanyang 39-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 29 KOs, habang taglay naman ni Morales ang 14-0-0 (8 KOs) slate.
Maghaharap naman sina world two-division king Gerry “Fearless” Peñalosa (54-7-2, 36 KOs) at dating WBA flyweight titlist Eric Morel (41-2-0, 21 KOs) para sa title eliminator ng WBO bantamweight belt.
Ang mananalo sa pagitan nina Peñalosa at Morel ang sasagupa sa mananaig kina Montiel at Morales.
Nasa main event naman pagdedepensa ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. (22-1, 14 KOs) sa kanyang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight belt kay Mexican challenger Gerson Guerrero (34-8, 26 KOs). (RC)