Donaire alam na kung paano tatalunin si Guerrero
MANILA, Philippines - Napanood na ni world interim super flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. ang mga laban ni Mexican challenger Gerson Guerrero.
At alam na niya kung ano ang kanyang gagawin para sa una niyang pagdedepensa ng suot na World Boxing Association (WBA) interim super flyweight crown sa “Pinoy Power 3/Latin Fury 12” sa Pebrero 13 sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
“Malakas siya, hindi naman siya masyadong agresibo,” obserbasyon ng 26-anyos na si Donaire sa 32-anyos na si Guerrero sa panayam kahapon ni Dennis Principe sa ‘Sports Chat’ mula sa San Carlos, California, USA.
Kasalukuyang ibinabandera ni Donaire ang kanyang 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, habang taglay ni Guerrero ang 34-8-0 (26 KOs) slate.
Bukod sa WBA interim super flyweight belt, suot rin ng tubong Talibon, Bohol ang International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles.
Kabilang naman sa mga nakatapat na ni Guerrero ay sina dating world champions Daniel Ponce De Leon, Christian Mijares, Hugo Cazares at Mauricio Pastrana.
“There’s always danger with Guerrero kasi malakas siyang sumuntok. He has the power, so there’s always that danger of trading punches with Guerrero,” ani Donaire.
Nasa undercard naman ng Donaire-Guerrero fight ang title eliminator nina world two-division titlist Gerry “Fearless” Peñalosa (54-7-2, 36 KOs) at dating WBA flyweight champion Eric Morel (41-2-0, 21 KOs).
Ang mananalo sa laban nina Peñalosa at Morel ang haharap sa mananaig kina Fernando Montiel, ang may hawak ng WBO bantamweight title, at Ciso “Kid Terrible” Morales. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending
























