Saludar pinatulog si Parcon
PUERTO PRINCESA CITY, Philippines - Muling umiskor ang hard-hitting na si Victorio Saludar ng Davao del Norte ng panibagong maningning na panalo upang makapasok sa finals ng 2010 Smart-ABAP National Amateur Boxing Championship nitong Huwebes ng gabi sa Puerto Princesa coliseum dito.
Nagpakawala ng kanyang malulutong at solidong mga suntok, nangailangan lamang ang 18-anyos na nakababatang kapatid ni RP Team mainstay Rey Saludar ng 24 segundo para dispatsahin si Willard Baguna ng Puerto Princesa C sa semifinals ng kanilang youth boys’ bantamweight match.
Si Baguna ay ibinaba sa ring ng medical personnel matapos na lumasap ng sunod-sunod na suntok sa katawan at siya ang naging kauna-unahang biktima ni Saludar matapos ni Ronel Parcon ng Bacolod City na natulog sa first round ng kanilang quarterfinal showdown nitong Miyerkules.
Bumagsak si Parcon ng halos 30 segundo bago siya muling nagising.
“Hard training kami ngayon kaya maganda ang kondisyon ko,” ani Saludar, isang first-year computer technician major sa Panabo College. “Pinaghandaan ko talaga ito dahil gusto ko mapasama sa RP Team at makalaro sa (Youth) Olympics.”
Sunod na makakasagupa ni Saludar si Kevin James Gob ng Tayabas City sa finals kung saan nakataya ang 32 gintong medalya. Tinalo ni Gob si Gabriel Altarjos ng National Capital Region sa kanilang semifinal encounter, 20-8.
Ang iba pang finalists sa youth boys division ay sina John Merced ng Puerto Princesa A at Aldrin Mori ng Maasin City sa pinweight category, Glen Cantaveros ng Davao del Norte at Ruiz Teosorio ng Puerto Princesa A sa light flyweight category, Nico Magliquian ng Tayabas at Jolan Bughanoy ng Davao del Norte, Carlo Suello ng Palawan A at Ian Abaniel ng Puerto Princesa A sa featherweight class at Nathaniel Moltealto ng Palawan A at Jheritz Chavez ng Mandaluyong City sa lightweight class.
Ang Davao del Norte ang siyang may pinakamaraming boxers na pumasok sa finals na may pito, habang tig-5 naman sa Puerto Princesa C, Palawan A at Bago City.
- Latest
- Trending