MANILA, Philippines - Ito na ang pagkakataon na pinakahihintay ni Filipino super flyweight Drian “Gintong Kamao” Francisco.
Nakatakdang sagupain ni Francsico si Ricardo Nuñez ng Panama sa isang title eliminator para sa World Boxing Association (WBA) super flyweight crown sa Marso 14 sa Araneta Coliseum.
Tiniyak ni WBA president Gilberto Mendoza sa kampo nina Fracisco at Nuñez na ang mananalo sa naturang title eliminator ang siyang hahamon kay WBA super flyweight champion Nobou Nashiro ng Japan.
Nanggaling ang tubong Sablayan, Occidental Mindoro sa isang tenth-round TKO victory laban kay dating two-time world titlist Roberto Vasquez ng Panama noong Oktubre sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kasalukuyang tangan ng 27-anyos na si Francisco ang 18-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, habang dala naman ng 22-anyos na si Nunez ang 17-1-0 (15 KOs) slate.
Si Francisco ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) Asia-Pacific flyweight king
Ang tubong Panama City namang si Nuñez ang No.l challenger sa World Boxing Council (WBC) super flyweight division na patuloy na hinahawakan ni Armenian Vic “The Raging Bull” Darchinyan. (RCadayona)