MANILA, Philippines - Sa kabila ng katigasan ng ulo ni “Marvelous” Marvin Sonsona, hindi pa rin siya bibitawan ni Filipino boxing promoter Sammi Gello-ani.
Matapos tanghaling bagong world super flyweight champion noong Setyembre, nagpabaya ang 19-anyos na si Sonsona sa kanyang katawan at pagsasanay na nagresulta sa pagkakatanggal sa kanyang korona ng World Boxing Organization (WBO).
Inalisan ng WBO ng super flyweight belt si Sonsona nang mabigong makapasa sa weigh-in bago ang kanilang salpukan ni Mexican challenger Alejandro Hernandez noong Nobyembre sa Ontario, Canada.
Ang WBO crown ni Sonsona ay mula sa kanyang unanimous decision sa dating may-ari nitong si Jose “Carita” Lopez ng Puerto Rico.
Sa Pebrero 27, muling nabigyan ng pagkakataon ang 5-foot-7 na tubong General Santos City na makasikwat ng isang world boxing title sa pakikipaglaban kay Puerto Rican Wilfredo Vasquez, Jr. sa Coliseo Ruben Rodriguez sa Puerto Rico. (RCadayona)
Pag-aagawan nina Sonsona at vasquez ang bakanteng WBO super bantamweight belt na binitawan ni Puerto Rican Juan manuel Lopez. (Russell Cadayona)