Sino ang haharap sa Purefoods?
MANILA, Philippines - Ito na ang magdedetermina kung sino sa Elasto Painters at Tigers ang sisikwat sa huling outright quarterfinals ticket.
Nakatakdang magtagpo ang Rain Or Shine at ang Coca-Cola ngayong alas-7 ng gabi sa isang ‘do-or-die’ game sa 2009-2010 PBA Philippine Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Kumolekta si Sol Mercado ng 21 points, 4 rebounds at 3 assists sa 90-86 paggiba ng Elasto Painters sa Sta. Lucia Realtors noong Linggo na tumapos sa kanilang four-game losing slump.
Tumipa naman si Gary David ng 21 marka upang tulungan ang bagong koponang Tigers sa 118-112 paggupo sa dating tropang Burger King Whoppers.
Ang mananalo sa pagitan ng Rain Or Shine at Coke ang siyang hahamon sa naghihintay na Purefoods Tender Juicy Giants sa best-of-five quarterfinals series.
“We can’t be satisfied with this win. We still have to win on Wednesday, (ngayon),” sabi ni head coach Caloy Garcia sa kanyang Elasto Painters.
Inaalagaan naman ng Tigers ni mentor Bo Perasol ang kanilang itinayong four-game winning streak patungo sa inaasam na silya sa quarterfinal round ng torneo.
Nasa isa ring quarterfinals series ang nagdedepensang Talk ‘N Text laban sa Barangay Ginebra.
Ang Alaska at ang San Miguel ang umangkin sa dalawang outright semifinals berth mula sa pagiging No. 1 at No. 2 teams, ayon sa pagkakasunod, matapos ang elimination round. (RC)
- Latest
- Trending