Draw itinulak uli ni So kontra Indian GM
WIJK AAN ZEE, Netherlands--Mailap pa rin ang kanyang unang panalo.
Muling nauwi sa draw ang laban ni Filipino Grand Master Wesley So kontra kay dating world junior champion GM Pentala Harikrishna ng India sa fifth round ng 72nd Corus chess tournament dito sa De Moriaan Community Centre.
Ito ang pang limang sunod na pagkakataon na nalagay sa draw ang laban ng 16-anyos na si So.
Bunga nito, tumabla si So sa eighth hanggang ninth places sa ilalim ni solo leader GM Anish Giri ng the Netherlands na bumigo kay GM Emil Sutovsky ng Israel sa 38 moves ng Grunfeld sa naturang category-16 tournament.
Hindi nagamit ni So ang kanyang bentahe sa posisyon na siyang sinamantala ng beteranong si Harikrishna para isakripisyo ang isang bishop kapalit ng pawn ng Filipino champion.
“So should have retained at least one rook if he wants to increase his winning chances...exchanging all rooks will surely lead to a draw,” ani Filipino GM Bong Villamayor. “After the bishop sacrifice of Harikrishna, a fortress is created on a8...wrong colored bishop of a rook pawn.”
Nasa ikalawang posisyon naman si GM David Howell ng England na tumalo kay GM Ni Hua ng China kasunod ang mga magkasalo sa third place na sina Harikrishna, top seed GM Arkadij Naidtisch ng Germany, GM Erwin l’ Ami ng Netherlands at GM Parimarjan Negi ng India.
Makakaharap ni So sa sixth round si GM Liviu-Dieter Nisipeanu ng Romania.
- Latest
- Trending