MANILA, Philippines - Tiniyak ni Colombian challenger Carlos Tamara na gagawin niya ang lahat upang maagaw kay Brian “The Hawaiian Punch” Viloria ang suot nitong world light flyweight crown.
Sa panayam ng 15rounds.com, sinabi ni Tamara na hindi dapat magkumpiyansa si Viloria sa kanilang laban sa Enero 23 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“Viloria shouldn’t count his chickens before they hatch,” matalinhagang wika ni Tamara sa pagbabalewala sa kanya ni Viloria, idedepensa ang hawak na International Boxing Federation (IBF) light flyweight belt sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Bago pa man ang kanilang laban ni Tamara, nakipagkasundo na si Viloria para sa isang unification fight kay Ivan “Iron Boy” Calderon para sa kani-kanilang IBF at World Boxing Organization (WBO) titles.
Ayon kay Tamara, siya ang sisira sa plano ni Viloria. “I am dedicated and hungry to ruin his plans and become Colombia’s latest world boxing champion,” sabi ni Tamara, nagdadala ng 20-4-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs kumpara sa 26-2-0 (15 KOs) ni Viloria.
Matapos agawin kay Mexican Ulises “Archie” Solis ang suot nitong IBF light flyweight crown via 11th-round KO noong Abril 19 sa Araneta Coliseum, idinepensa naman ito ni Viloria kay Mexican challenger Jesus “Azul” Iribe mula sa isang unanimous decision noong Agosto 29 sa Honolulu, Hawaii.
Nasa undercard ng Viloria-Tamara championship fight ang pagtatanggol ni Donnie “Ahas” Nietes ng kanyang tangan na WBO minimumweight title laban kay Mexican challenger Jesus Silvestre. (RUSSELL CADAYONA)