MANILA, Philippines - Dahil sa kanyang panalo sa nakaraang Australian Open at pag-angat sa Top 30 rankings, nabigyan si Filipino tennis sensation Francis Casey Alcantara ng isang outright entry para sa First Youth Olympic Games.
Ito ang inihayag kahapon ni Philippine Olympic Committee (POC) deputy secretary general at Philippine Amateur Swimming Association (PASA) president Mark Joseph.
Ang 1st Youth Olympic Games na magtatampok sa mga atletang may edad na 14 hanggang 18-anyos ay naka-takda sa Singapore.
Katambal si Taiwanese Hsieh Cheng-peng, pinagha-rian nila ng 17-anyos na si Alcantara ang boys’ doubles event ng bigating 2009 Australian Open sa Melbourne.
“Alcantara’s victory in the Australian Open and his subsequent high top 30 rating internationally earned for him the outright seat in the Youth Olympics,” wika ni Joseph sa lingguhang Sports Communicators Organization of the Philippines (SCOOP) sa Kamayan.
Bukod kay Alcantara, na-bigyan rin ng outright entry sa 1st Youth Olympic Games ang mga Filipino dribblers.
“As for basketball, it was the FIBA, the world’s governing body in the sport that gave the Philippines outright seeding probably because of the country’s contribution to the growth of basketball worldwide,” ani Joseph.
Wala pang nabubuong koponan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), pinamumunuan ng pangulo nitong si Manny V. Pangilinan.
Maliban kay Alcantara at sa basketball squad, lima pang swimmers, dalawang archers at tatlong shooters ang nakapasa na sa qualifying standard ng Youth Olympic Games.
Nakatakda ring maglahok ang POC ng mga batang atleta sa qualifying tournaments sa boxing, taekwondo, judo at equestrian.
Ayon kay Joseph, 580 slots pa ang bakante para sa athletics, 480 sa swimming, 70 sa archery, 32 sa equestrian at 80 sa shooting sa nasabing Youth Olympic Games na may tradisyunal na 26-sport calendar. (Russell Cadayona)