NEW YORK — Ilang mahahalagang three-pointers ang isinalpak ng New York Knicks para angkinin ang kanilang pangatlong sunod na panalo.
Kumonekta ang Knicks ng anim sa kanilang kabuuang 12 3-pointers sa final canto upang paluhurin ang bisitang Charlotte Bobcats, 97-93, sa 2009-2010 NBA season kahapon.
“In practice, I have no limits,” pagbibiro ni forward Danilo Gallinari na umiskor ng 17 puntos para sa natu-rang tagumpay ng Knicks laban sa Bobcats.
Binasag ng tres ni Chris Duhon ang pagkakatabla ng laban sa huling 2:03 ng fourth quarter bago ang dalawa pa ni Gallinari para sa kanilang panalo.
Tumipa si Wilson Chandler ng season-high 27 puntos para pagbidahan ang Knicks, samantalang nagdagdag naman ng 22 si David Lee.
“We’re not going to dominate too many people, but we scramble enough to hold teams to a low enough shooting percentage, and we’re taking away easy buckets. So it gives us a chance to win,” wika ni Lee.
Pinamunuan ni Stephen Jackson ang Bobcats, nagwakas ang itinalang three-game winning streak, mula sa kanyang team-high 26 marka kasunod ang 20 ni Flip Murray.
Samantala, muli namang nakuha ng Miami Heat si veteran point guard Rafer Alston mula sa New Jersey Nets.
Isang 'buyout' ang ginawa ng Nets upang tuluyan nang pakawalan sa kontrata si Alston, may average na 9.7 puntos para sa New Jersey na sinimulan ang torneo na may 0-18 rekord.
Nakasama ni Alston si Dwyane Wade sa Heat noong 2003-2004 season kung saan isang rookie pa lamang ang ngayon ay NBA superstar.