Kapag tuluyang nadiskaril ang Pacquiao-Mayweather fight, si Foreman at ang titulo nito ang pupuntiryahin
MANILA, Philippines - Habang painit ng painit ang paratang ni Floyd Mayweather Jr. sa umano’y paggamit ng steroids ni Manny Pacquiao, nagkakaroon naman ng interest sa inila-latag na laban ng Pinoy ring icon sa mas malaking si Yuri Foreman.
Bagamat marami ang nagsasabing isang mismatch ang ideyang ito, marami ang naniniwalang walang problema para kay Pacquiao kung umakyat man ito sa mas mataas na timbang at hamunin ang pinakamahusay at pinakamaningning sa bawat division.
Para sa Pinoy pound-for-pound champion, walang inurungan ito, mas malaki man, may mataas o mas mabigat na kalaban, sa isip niya ay kayang-kaya niya at sa kanyang palagay may magandang tsansa siya laban sa WBA light-middleweight champion na six footer.
Ipinanganak sa Gomel, Belarus at ngayon ay nani-nirahan sa New York, walang talo pa rin ang 29 anyos na si Foreman at itataya nito ang kanyang korona kapag napiling susunod na kalaban ni Pacquiao.
Puntirya pa rin ni Bob Arum ng Top Rank na kunin si Foreman bilang kasunod na kalaban ni Pacquiao kapag tuluyang hindi magkasundo ang kampo ni Mayweather at Pacquiao sa labang nasa bingit ng alanganin bunga ng isyu tungkol sa paraan ng pagkuha ng blood test.
Sa kasalukuyan, nagsampa na ng demanda si Pacquiao laban sa mag-amang Mayweather, tiyuhin na si Roger at Golden Boy Promotion big boss Oscar De La Hoya at Richard Schaefer sa pamimintang ng paggamit ng performance-enhancing drugs.
Gayunpaman may mga disadvantage sakaling umakyat ng weight division si Pacquiao.
Ilan dito ay habang umakyat siya sa mas mataas nagkakaroon ng pagkakaiba sa sukat at kapag bumibigat hindi malayong bumagal din ang Pinoy.
At kapag nangyari ito, baka hindi na matanggap ni Pacquiao ang mga suntok at baka hindi na rin maging epektibo ang kanyang suntok sa kalaban.
Si Arum, na kapwa promoter nina Pacquiao at Foreman ay nagsabing maaari niyang itakda ang laban ng dalawa sa Marso 13 sa MGM Grand ang lugar na pagdarausan ng laban ni Pacquiao kay Mayweather o sa Marso 20 sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas.
At kapag tinalo ng 5’6 na si Pacquiao ang six footer na si Foreman makukuha ng Pinoy pound-for-pound champion ang ikawalong world title sa walong kategor ya-- flyweight, super-bantam, feather, super-feather, lightweight, junior-welter at welterweight.
Isa pa sa target ni Arum kapag tuluyang nadiskaril ang laban kay Mayweather, ay si Paulie Malignaggi bagamat mas pinili naman ni American trainer Freddie Roach si Juan Manuel Marquez bago tuluyang pasukin ni Pacquiao ang politika. (DMVillena)
- Latest
- Trending