MANILA, Philippines - Pinabagsak ni Jonathan Abo si Reu Sebolino sa ikalima at final round upang maghari sa junior division sa final evaluation na nagsara sa 2009 Milo-sponsored Checkmate chess clinic sa St. Francis Square sa Mandaluyong.
Umiskor ng perfect score na 5.0 si Abo ng Pasig City matapos ang limang rounds upang masungkit ang junior title. Nalaglag naman si Sebolino sa ikalawang puwesto na may 4.0 at si Kyle Cinco naman ang kumuha ng ikatlong parangal.
Ang iba pang age-group winners ay sina: Carlo Espino (11-under); Angelo Espino (9-under); Eliza Mapili (8-under) at Isabelle Rivera (7-under). Sa tournament course, nagwagi si Carlo Espino sa junior beginners na may perfect score na 7.0 points; si Sebolino sa Prep 3 levels na may 3.0 points; Mapili sa Prep 2 level na may 2.5 points at Charles Tacda sa Prep 1 level.
Ang susunod na weekend chess class ay magbabalik sa January 16 at 17 na gaganapin sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila. Para sa ilang detalye tumawag sa Metropolitan Chess Club sa 994-5199 at 826-8560 o 0916-852-1069 at 0922-822-6319.