MANILA, Philippines - Bagamat kulang pa ng P200,000, isang magandang Pasko na ang tinitingnan ng mga national athletes na nag-uwi ng kabuuang 38 gold medals sa nakaraang 25th Southeast Asian Games sa Vientiane, Laos.
Ipinamahagi na kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping ang paunang P100,000 sa kabuuang P300,000 na cash incentives para sa 38 gold medalists ng 2009 Laos SEA Games.
Ayon kay Angping, nakipag-usap na siya kay pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para sa agarang pagpapalabas ng natitira pang P200,000.
At matatanggap ito ng mga gold medal winners sa ikalawang linggo ng Enero ng 2010, dagdag ni Angping.
Sa ilalim ng Cash Incentives Act, ang mga gold medalists sa SEA Games ay tatanggap ng P100,000, habang ang silver at bronze winners ay makakatanggap ng P50,000 at P10,000, ayon sa pagkakasunod.
Nakakuha rin ang komisyon ng P100,000 mula sa private sponsors at karagdagang P100,000 bilang bonus sa mga atletang babasag ng SEA Games record.
Sina Marestella Torres at Arniel Ferrera ng athletics at Ryan Arabejo at Daniel Coakley ng swimming ay tumanggap ng karagdagang tig-P200,000 bilang bonus.
Si national swimmer Miguel Molina ang tatanggap ng pinakamalaking cash reward na P750,000 para sa kanyang dalawang gintong medalya sa men's 200 at 400-meter individual medley at silver sa 200m freestyle, habang si lady cue artist Rubilen Amit ay makakakuha ng P600,000 mula sa kanyang pagrereyna sa women's 9-ball at 8-ball pool singles.
Kabuuang P11.4 milyon ang inilatag ng PSC para sa 38 gold medals at P1.75 milyon sa 35 silvers at P490,000 sa 51 bronzes.
Simula sa enero sa susunod na taon, ihihanda na rin ng PSC ang kanilang programa para matulungan ang mga atleta sa kanilang magiging kampanya sa Asian Games na gaganapin sa Guangzhou, China, sa Nobyembre. (RC)