Twice-to-beat advantage nakuha ng Engineers
MANILA, Philippines - Sa pagkakataong ito, ang mga second stringers naman ang inasahan ni Engineers coach Emil Arroyo para sa pagtakas ng 74-68 tagumpay ng Technological Institute of the Philippines kontra sa La Salle-Dasmariñas Patriots kahapon sa 17th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) men’s basketball tournament sa Olivarez College Sports Complex sa Sucat, Parañaque.
Binanderahan nina Paulo Perez at Darwin de la Punta ang mga reserve players upang malimitahan ang Patriots sa pagkamada lamang ng pitong puntos sa third period na naghatid sa Engineers ng ikawalong panalo matapos ang siyam na laro.
Ang panalo ring ito ng Engineers ang nagbigay sa kanila ng bentaheng twice-to-beat sa semifinal round na magsisimula sa Enero.
Tumapos ang beteranong playmaker na si Greg Aguilar ng 20 puntos sa cagefest na ito na suportado ng Mikasa at Molten Balls.
Nauna rito, naglista si Genalyn Alday ng 34 puntos upang trangkuhan ang DLSU-Dasmariñas Lady Patriots sa 91-73 panalo laban sa Rizal Technological University Lady Thunder sa women’s action. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending