Suns muling sumikat sa kanilang bakuran, pinasadsad ang Spurs
PHOENIX--Muling pinaganda ng Phoenix Suns ang kanilang perpektong 9-0 home record matapos na iposte ang 116-104 pananaig kontra sa San Antonio Spurs nitong Martes sa NBA.
Nagtala si Amare Stoudemire ng 28 puntos at 14 rebounds habang gumawa naman ang reserve na si Goran Dragic ng career-high 18 puntos.
Umasinta ang Suns ng 11 of 16 3-point attempts, habang kumunekta naman siya ng 52 percent shooting mula sa field.
Tumapos si Tim Duncan ng season-high 34 puntos at 14 rebounds para sa San Antonio.
Sa Chicago, umiskor si Kobe Bryant ng season-high 42 puntos nang pabagsakin ng Los Angeles Lakers ang Bulls, 96-87.
Nakalubog ng isang puntos papasok sa final canto, kumawala ang Lakers at ipinalasap sa Bulls ang kanilang pang-11th kabiguan sa 13 pakikipaglaban.
Sa Houston, kapwa naglista sina Luis Scola at Aaron Brooks ng tig-23 puntos upang pangunahan ang Rockets sa 107-96 panalo laban sa Detroit na tumapos sa Pistons sa kanilang limang dikit na panalo.
Sa Portland, Oregon, kumana si LaMarcus Aldridge ng go-ahead layup sa kabila ng masamang kalagayan ng kanyang bukung-bukong at pinayuko ng Portland ang Sacramento Kings, 95-88.
- Latest
- Trending