Vientiane, Laos--Gumaganda ang produksiyon ng Team Philippines bagamat hindi pa rin natitinag sa 6th overall sa medal standing sa nalalapit na pagtatapos ng 25th Southeast Asian Games dito.
Pitong gintong medalya ang naisubi ng mga atletang Pinoy na binanderahan ng tatlong nagniningning na ginto mula sa mga kababaiahan sa boxing event ng biennial meet na ginaganap sa Olympasia gymnasium sa loob ng National University.
Isinubi nina Josie Gabuco, Alice Kate Aparri at Annie Albania ang gintong medalya sa boxing makaraang dispatsahin ang kani-kanilang kalaban upang manguna sa women’s boxing.
Dinaig ng 22-anyos na si Gabuco si Vietnamese Nguyen Thi Hoa, 6-5, habang pinaglaruan naman ni Aparri si Dueannapha Milva Hongfa ng host Laos, 15-4 at dinomina ni reigning Asian champion na si Albania si Indonesian Indri Sambaimana sa pamamagitan ng RSC-0.
Ang tatlong boksingerong Pinay ay tatanggap ng dagdag na P300,000 bukod sa insentibong ibibigay ng Philippine Sports Commission mula kay boxing big boss Manny V. Pangilinan sa pagbabalita ni boxing vice-president Ricky Vargas at Smarts Sports chairman Patrick Gregorio na dumating noong Martes ng gabi.
Sa may di kalayuang National Sports Complex, bumaril ng gintong medalya si Nathaniel ‘Tac’ Padilla, para sa natatanging ginto ng Philippine shooting makalipas ang ilang araw.
Nagpaputok ang 45 anyos na si Padilla ng 753.20 puntos para sa gintong medalya sa kanyang paboritong 25m rapid fire pistol event sa shooting range ng National Sports Complex.
“Masaya ang feeling. At least naibsan ang nararamdaman kung lungkot sa mga naririnig kong hindi magandang balita tungkol sa shooting team,” madamdaming wika ng multi-title shooter, na bumaril ng kanyang ika-5 gintong medalya sa loob ng 16th beses na pagsali sa SEA Games.
At sa kabilang banda, sa Main Stadium, binura ng Asian championship queen na si Maristela Torres, ang may 20 taon ng record sa SEAG na naitala ni Elma Muros.
Nasa kainitan pa sa edad na 28-anyos, tumalon ng record-breaking 6.68m si Torres sa ikaapat na kanyang anim na pagtatangka upang maungusan ang 6.52m ni Muros na naitala noong SEA Games sa Kuala Lumpur noong 1989.
Nakuha naman ng Thai na si Thitima Muangjan ng Thailand ang silver sa kanyang 6.35m at bronze naman kay Indonesian Maria Natalia, 6.23m.
Wala pa ring kupas at hindi pa rin tumatanda si judoka John Baylon na kumubra ng gold sa judo event.
Dahil sa konti lamang ang lahok, mabilis na nakapasok si Baylon sa 81kg-and-under at pabagsakin ang kalabang si Aung Moe ng Myanmar sa semis bago dinispatsa si Watcharin Jampawong ng Thailand sa finals.
Ito ang ikasiyam na gintong medalya ni Baylon sapul nang magdebut ito noong 1991 sa sports matapos ang ginintuang performance ni Nancy Quillotes noong Martes sa 45 kg-and -under.
“Mukhang hindi pa nila ako kilala, eh. Yuko pa sila ng yuko kaya na-armlock ko agad para madaling ma-ipon,” wika ni Baylon. “Hindi ako nahirapan sa laban na ito. Mas bata nga sila, pero sa judo, experience pa din ang mahalaga at hindi lang lakas.
Ang ikapitong ginto ng bansa ay mula naman kay wushu artist Mariane Mariano na naka-gold sa wushu 60kg sanshou event.
Bagamat bokya sa silver medal kahapon, hindi na rin matatawaran ang bronze medals na pinulot ng judokas na sina Helen Diwa at Gilbert Ramirez, wushu artist Baniel Parantao sa taijiquian event, mixed triples team sa petanque na sina Aristedes Samia, Arnulfo Masumbol at Mary Grace Munar at wrestler Marible Jamora.