Alcano naghayag ng sentimiyento

VIENTIANE, Laos – Nararamdaman ni Ronnie Alcano, gold medalist sa 8-ball billiards ang sentimiyento ng kanyang mga kapwa billiards players.

At ang damdaming ito ang halos nagbigay ng kaba kay Alcano matapos niyang mapagwagian ang gintong medalya makaraang daigin ang kababayang si Gandy Valle, 7-1 na nilaro sa Don Chan Convention Hall ng Don Chan Palace hotel noong Lunes.

Ang kabang naramdaman ni Alcano ay may basehan. Hindi dahil nanalo siya ng ginto kundi ang pakiramdam sa mga sasabihin ng mga kababayan kung siya ay natalo. Ilang oras matapos yumuko ang tambalang Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django’ Bustamante sa 8-ball men’s doubles, matinding akusasyon ang tinanggap ng magkumpare na hindi nila pinagbutihan ang laro dahil walang perang katapat sa Southeast Asian Games.

Dinamdam ng magkatambal ang akusasyon na sa isang punto ay naiyak pa si Bustamante.

 “Paano kung natalo rin ako?  Di ganun din ang sasabihin nila?” tanong ni Alcano.

Ipinagtanggol din ni da-ting world 9-ball champion sina Reyes at Bustamante.

 “Hindi naman lahat ng pagkakataon mananalo ka. May kalaban ka, kaya may posibilidad na matalo Nangyayari iyan sa lahat ng mga players,” dagdag ni Alcano.

Ipinaliwanag din ni Alcano na masyadong na-pressure sina Reyes at Bustamante sa kanilang tambalan.

“Marami namang players na Pinoy dito. Puwede mo namang ipares si Bata o si Django sa ibang players na hindi sila magkasama. Ang nangyari kasi dahil magkasama nga sila, para bang wala na silang karapatang matalo.  E kaso  natalo nga, kaya tuloy ang dami mong naririnig,” hinaing ni Alcano.

Maraming produksiyon ang Pilipinas sa larong  bilyar kaya inaasahan ng manonood na dodomina-hin ng mga Pinoy ang kompetisyon.

Katunayan, pruweba sina Alcano at Valle na sila ang mahusay nang kapwa umabot sa finals ang dalawa.

Si Rubilen Amit, kino­konsiderang panguna­hing babaeng cue artist ay nagpamalas din ng kanyang supremidad nang magreyna ito sa 8-ball. Aasintahin ni Amit ang kanyang ikalawang gold sa 9-ball na kasalukuyang nilalaro pa habang sinusulat ang balitang ito. (Dina Marie Villena)

Show comments