Alcano, Amit tumumbok ng ginto
VIENTIANE, Laos- –Nagningning din ang billiards makaraan ang nakakadismayang kabiguan ng mga paboritong sina Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django” Bustamante nang dalawang gold ang sinargo kahapon sa dinumog sa Convention Hall ng Don Chan Palace hotel sa billiards and snooker event ng 25th Southeast Asian Games dito.
Noong Linggo ng gabi nakasiguro na ng gold sa 8-ball men’s event nang itakda nina world champion Ronnie Alcano at Gandy Valle ang kanilang all-Pinoy showdown kung saan naisukbit ni Alcano ang gold sa pamamagitan ng 7-1 tagumpay kay Valle.
Bago ang kanilang pagtatagpo sa semis, tinalo ng 37-anyos na si Alcano si Dechawat Poomjaeng ng Thailand, 7-3 habang pinabagsak naman ni Valle si Indonesian Ricky Yang, 7-1.
“Pareho kaming masaya. Kahit naman sino sa amin ang manalo OK lang, basta huwag lang makawala itong gold sa Pilipi-nas,” nakangiting wika ni Alcano.
Makalipas naman ang ilang oras, tinumbok ni Rubilen Amit ang gintong medalya makaraang sarguhin si Indonesian Angeline Ticoal, 5-1.
Inaasahan pa ang paghakot ng 15-man billiards and snooker team sa pagtumbok nina Dennis Orcollo at Ramil Gallego sa men’s 9-ball singles at Amit at Iris Ranola sa women’s 9-ball singles.
Patuloy naman ang pagsemplang ni Reyes nang matalo ito kay Moh Loon Hong ng Malaysia, 3-1 sa prelims ng English billiards single gayundin si Reynaldo Grandea na nabigo naman Ngyuen Trung Kien ng Vietnam, 3-0. ( Dina Marie Villena)
- Latest
- Trending