Makulimlim ang araw ng mga Pinoy
VIENTIANE – Kung gaano katindi ang sikat ng araw dito, naging makulimlim naman ang kampanya ng bansa ng tanging silver at bronze lamang ang umapaw sa araw na ito sa pagpapatuloy ng kompetisyon sa ika-25th edition ng Southeast Asian Games dito.
Lumasap ng 3-8 kabiguan si Pinoy jin John Paul Lizardo sa kamay ng Thai na si Jerranat Nakaviroj sa kanilang bakbakan sa finweight division ng taekwondo habang bronze lamang ang naiambag ng kanyang kapatid na si Jyra sa flyweight category.
Silver lang ang dinayb ni Nino Carag sa 3m springboard sa likod ng gold medalist na si Ken Nee Yeoh ng Malaysia habang malayo naman sa ikalimang puwesto si Zandro Domenios.
Ang iba pang nakasungkit ng bronze medal ay si karatekas Ace Eso sa 55kg kumite.
Hindi rin naging masuwerte ang women’s tennis team nina Denise Dy at Riza Zalameda.
Tanging bronze lang din ang nakayanan ng mga muay players na sina flyweight Preciosa Ocaya, lightfly Maricel Subang, pinweight May Libao at welter Harold Gregorio.
At dahil tapos na ang taekwondo at karatedo, sasandal na lang ang bansa sa magiging takbo ng performance ng mga tracksters at wushu artists, na papagitna sa labanan sa Linggo.
Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa para makatipon ng gintong medalya ang mga Pinoy golfers, muay artists, lifters, swimmers at shooters.
Tuluyan namang gumuho ang tsansa ng RP beach sa eliminations nang kapwa yumuko ang tambalang Rhovyl Verayo at Jonrey Sasing, 0-2 sa host country Laos habang lumasap din ng kabiguan ang tambalang Johanna Carpio at Michelle Carolino mula sa kamay ng Indonesia, 0-2.
Pinoy Archers umaasa pa rin
Malaki pa rin ang tiwala ng Philippine archery team sa kanilang magiging kampanya dito.
Ito ang pakiramdam nina Olympian Mark Javier, Jennifer Chan at Abigail Tindugan sa pagbubukas ng kanilang kampanya sa archery event na papana ngayon sa National Sports Complex.
Si Javier, na naging bahagi ng Philippine team na sumabak sa 2008 Beijing Olympics ay sasabak sa men’s 70m recurve habang sina Chan at Tindugan naman ay nakalista sa women’s individual compound.
Sa panghapong tudlaan, papagitna naman sina Earl Yap, Rosendo Sombrio at Fermin sa men’s individual compound.
- Latest
- Trending