MINNEAPOLIS--Binantayang mabuti ni Minnesota Timberwolves rookie Jonny Flynn si New Orleans Hornets All-Star Chris Paul sa lob ng 47 minuto at 56 segundo.
Ngunit sa huling apat na segundo nagkaroon ng problema si Flynn kay Paul.
Iniwan ni Paul si Flynn mula sa isang inbound pass para sa kanyang layup sa natitirang 1.4 segundo para bitbitin ang Hornets sa 97-96 panalo kontra Timberwolves.
Tumapos si Paul na may 15 puntos at 14 assists para sa Hornets.
Sa Los Angeles, hindi naman tinanggap ni Pau Gasol at ng buong Los Angeles Lakers ang mga papuri ukol sa kanilang ginawang depensa kontra Utah Jazz sa final canto patungo sa pagpitas ng nagdedepensang kampeon sa kanilang pang 10th straight victory.
Nilimita ng Lakers ang Jazz sa 6 puntos sa final period upang ilista ang 101- 77 tagumpay.
Tumipa si Kobe Bryant ng 27 puntos, habang nagdagdag naman si Gasol ng 19 marka at 12 rebounds para sa Lakers, umiskor ng 19 sunod na puntos sa fourth quarter para sa kanilang ika-13 dikit na dominasyon sa Jazz.
May 17-3 rekord ngayon ang Lakers, pinuwersa ang Jazz sa 2-for-18 shooting sa final canto.
Pinangunahan naman ni Deron Williams ang Jazz, hindi pa tinatalo ang Lakers sapul noong Enero 1, 2006, buhat sa kanyang 17 produksyon.
Sa Philadelphia, tinalo ng Detroit Pistons ang 76ers, 90-86.
Sa iba pang laro, binigo ng Atlanta Hawks ang Chicago Bulls, 118-83; iginupo ng Portland Trail Blazers ang Indiana Pacers, 102-91; pinayukod ng Golden State Warriors ang New Jersey Nets, 105-89; tinalo ng Milwaukee Bucks ang Toronto Raptors, 117-95; at pinalubog ng San Antonio Spurs ang Sacramento Kings, 118-106.