MANILA, Philippines - Matapos angkinin ang 1st World Mixed Doubles Classic title, sasabak naman sina Efren “Bata” Reyes at Rubilen “Bingkay” Amit sa 25th Southeast Asian Games sa Laos.
Ayon kay Amit, mala-king bentahe ang naturang panalo nila ni Reyes para sa paglahok sa 2009 Laos SEA Games.
“Siyempre, nakakadagdag ‘yon ng kumpiyansa sa amin ni tatay Efren,” ani Amit kahapon. “Pero hindi naman tayo sure na we will get the gold medal but kahit papaano ay nadagdagan ‘yung confidence namin going into the competition.”
Nagposte sina Reyes at Amit ng 9-7 panalo sa kanilang race-to-nine finals match nina Charlie Williams at Eun Ji Park ng Korea upang sikwatin ang 1st World Mixed Doubles Classic kamakalawa sa Libis, Quezon City.
Ang dating pambato ng University of Sto. Tomas na si Amit ang kumuha sa gold medal sa women’s 8-ball at 9-ball singles sa 2005 Philippine SEA Games.
Tumumbok naman si Amit ng gold sa 9-ball singles at bronze medal sa 8-ball singles event ng 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
“I’m looking forward to it talaga. Excited na rin ako kasi SEA Games time na naman and it’s something to look forward para sa aming mga atleta,” sabi ni Amit.
Bukod kina Amit at Reyes, ang iba pang miyembro ng koponang sasabak sa Laos SEA Games ay sina Francisco ‘Django’ Bustamante, Ronnie Alcano, Alex Pagulayan, Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Roberto Gomez, Gandy Valle, Warren Kiamco, Rodolfo Luat, Benjie Guevarra, Iris Ranola at Mary Ann Basas. (Russell Cadayona)