MANILA, Philippines - Ipinaubaya na lamang ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping sa mismong mga national athletes ang pagbibigay ng prediksyon para sa 25th Southeast Asian Games sa Laos.
Sa isang send-off party noong Miyerkules ng gabi sa Panulukan Restaurant and Grill sa Quiricada, Maynila, nangako ang 153 atletang suportado ng PSC na mag-uuwi sila ng 64 gold medals mula sa 2009 Laos SEA Games.
Ang mga ito ay galing sa athletics (7), boxing (10), billiards and snooker (6), diving (5), archery (2), judo (4), karatedo (3), muay (2), pencak silat (2), petanque (2), sepak takraw (2), shooting (2), taekwondo (5), lawn tennis (4), weightlifting (3), wrestling (2) at judo (3).
"So that is the prediction of the athletes themselves," wika ni Angping sa pahayag ng 153 atleta na popondohan ng PSC para sa 2009 Laos SEA Games. "Iyan ay more than the one we had in Thailand in 2007."
Matapos maging overall champion noong 2005 Philippine SEA Games mula sa ibinulsang 112 gold me-dals, nalaglag naman sa sixth place ang mga Pinoy sa 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand sa naiuwing 42 gold medals.
Sa naturan ring okasyon, ipinagkaloob ng sports commission ang $30 a day allowance ng bawat 153 atleta para sa 2009 Laos SEA Games na nakatakda sa Disyembre 9-18 bukod pa ang karagdagang $100 allowance sa kanilang pagdating sa Vientiane, Laos simula sa Linggo.
Ang bawat gold medal na makokolekta ng isang atleta ay may katumbas na P300,000 bilang cash incentives, ani Angping.
Samantala, magkakaroon naman ng Friday Mass ang idinagdag na 98 national athletes ng Philippine Olympic Committee (POC) ngayong umaga sa Brent School. (RCadayona)