Kampeon ang UST Tigresses
MANILA, Philippines - Walang bakas ng kaba, buong giting na tinapos ng University of Santo Tomas ang serye at durugin ang Adamson University upang iuwi ang tropeo ng dominasyon sa pamamagitan ng 23-25, 25-12, 27-25, 25-19 panalo sa season 6 ng Shakey’s V-League sa The Arena, San Juan City.
Ginitla ang libong manonood, bumira sina skipper Aiza Maizo at rookie Maru Banaticla ng double digit outputs na kapwa may 16 hits para angkinin ang ikalawang sunod na korona at pigilan ang pagkakaroon ng sudden death match.
Ginamit ang solidong net defense at malakas na reception, sumalakay ang Lady Tigresses sa kampo ng Lady Falcons at nilimitahan ito sa 15 blocks upang iparada ang kumpletong sweep sa labang tumagal ng isang oras at 41 minuto.
Kinilala ang mahusay na pagtipa, pinarangalan bilang MVP si Maizo na humampas ng 5 blocks para wakasan ang play-off. Pangatlo si Maizo sa mga UST players na ginawaran ng MVP award tulad nina Mary Jean Balse at Venus Bernal.
Ang iba pang tumanggap ng tropeo ay sina Angela Benting ng Adamson (best scorer), Giza Yumang ng St. Benilde (best spiker), Pau Soriano ng AdU (best blocker), Cherry Vivas ng FEU (best server), April Jose ng FEU (best setter), Lady Falcons Lizlee Ann Gata (best receiver) at pambato ng Ateneo na si Stephanie Gabriel (best digger).
Bagamat nakuha ang korona sa unang kumperensya, hindi na nagpapigil ang tropa ni coach Cesael delos Santos sa pagkubra ng panalo at kuhanin ang ikalimang championship overall sa loob ng walong finals appearances ng Lady Tigresses sa pinakapremyadong women’s volleyball league na handog ng Shakey’s Pizza at suportado ng Mikasa, Accel, Mighty Bond at OraCare.
Samantala, luhaang umuwi ang Lady Falcons kung saan kinapos ang 21 points produksyon ni Benting at 9 service points at 17 hits kontribusyon ni Jill Gustilo. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending