MANILA, Philippines - Maganda ang naging usapan nina Bob Arum at Richard Schaefer para sa nilulutong Manny Pacquiao-Mayweather fight.
Ayon sa newsday.com. nakakagulat na walang naging problema sa pag-uusap ng dalawa na kinatawan ng dalawang boxers ayon sa ayaw magpakilalang boxing business source.
Si Arum ng Top Rank at Schaefer, ang CEO ng Golden Boy Productions ay may magandang relasyon kaya sila lamang ang nag-uusap at walang kasamang mga abogado.
Sinasabing walang na-ging problema sa usapan sa pera ang dalawa para sa laban na sinasabing kikita ng $80 milyon.
Nangangahulugang malaki ang posibilidad na matuloy ang laban at inaayos na lamang ang mga maliliit na detalye ng megafight.
Gayunpaman nagkasundo ang dalawang panig na huwag magbigay ng detalye tungkol sa negosasyon.
Nakabakasyon sina Arum at Schaefer at magpapatuloy ang negosasyon sa linggong ito.
Balitang ang tinatarget na date ng laban ay May 1 ngunit wala pang venue.
Ipinaglalaban ng Las Vegas na sila ang ma-ging host ng inaabangang labang ito ngunit maganda ang offer ni Dallas Cowboys owner Jerry Jones na inialok ang bagong stadium ng Cowboys.
Plano naman ng Nevada officials na magtayo ng temporary stadium para sa laban. (Mae Balbuena)