4 na Pinoy umusad sa final 32
MANILA, Philippines - Sa ikatlong sunod na pagkakataon, nagpamalas si Lee Van Corteza ng impresibong panalo.
Umusad si Corteza sa round of-32 ng second World Ten Ball championship makaraang igupo si Konstantin Stepanov ng Russia, 9-7 sa Word Trade Center.
Bunga nito, makakasama ni Corteza ang tatlo pang kababayan sa susunod na yugto-- sina Warren Kiamco, Antonio Lining at umuusbong na si Jomar de Ocampo.
Tinalo ni Kiamco si Jalal Yousef ng Venezuela, 9-8 habang isang come-from-behind na tagumpay ang inilista ni Lining nang igupo niya si Corey Deuel ng US, 9-4.
Ngunit ang pinakamalaking sorpresa ay inilista ni De Ocampo, ang player na dumaan sa nakakapagod na elimination phase.
Idinagdag ng taga-Alaminos Pangasinan na si De Ocampo sa kanyang mga naging biktima ang Korean na si Jeong Young Hwa, 9-6.
Bago ang panalo kay Jeong, ilan sa mga kilalang pool players na dinispatsa ay sina Wang Hung-Hsiang ng Chinese-Taipei at Jeffrey de Luna sa elimination round.
Sina Corteza, Kiamco at Lining ang tatlong Pinoy na wala pang talo patungo sa final 32.
Nakipagbuno si Corteza kay Stepanov, ang player na dumispatsa kay Efren ‘Bata” Reyes sa 2007 World Pool Championship.
Nanumbalik naman ang rivalry sa pagitan nina Lining at ng kaibigang tumalo sa kanya sa elimination round ng World Pool Championship may dalawang taon na ang nakakalipas, si Deuel. Ngayon ang Pinoy naman ang nangibabaw.
- Latest
- Trending