MANILA, Philippines - Hindi papayag si Mexican Edgar Sosa na basta na lamang maagaw ni Filipino Rodel Mayol ang kanyang dating suot na World Boxing Council (WBC) light flyweight crown.
Ayon sa 30-anyos na si Sosa, magsasampa siya ng protesta sa WBC at sa Mexican Boxing Commission ukol sa second-round TKO loss niya sa 28-anyos na si Mayol noong Linggo sa Tuxtla Gutierrez sa Chiappas, Mexico.
“I did not recover from the head-butt. It was hard to fight because I was very hurt and could not focus,” ani Sosa sa sinasabing intentional head-butt ni Mayol sa kanya sa pagsisimula ng second round. “What happened was intentional. There should have been a disqualification but they let it continue.”
Nilinis naman ni Puerto Rican referee Robert Ramirez ang kanyang pangalan kaugnay sa sinasabing kontrobersyal na panalo ni Mayol kay Sosa.
“I just followed the doctor’s orders who told me to let the fight go on,” wika ni Ramirez sa direktiba sa kanya ni ring physician Dr. Ibarra kasunod ang pagpapahinto niya sa laban nang paulanan na ng suntok ni Mayol ang nanghina nang si Sosa sa second round.
Ang naturang head-butt kay Sosa, matagumpay na naidepensa ang kanyang WBC title sa ika-10 sunod na pagkakataon bago natalo kay Mayol, ay idineklarang intentional at binawasan ni Ramirez ng puntos ang tubong Mandaue City, Cebu.
Matapos tingnan ni Dr. Ibarra ang kondisyon ni Sosa, iniutos nito kay Ramirez na ipagpatuloy ang laban na sinamantala ni Mayol para paliguan ng suntok ang Mexican fighter kasunod ang pag-awat sa laban.
Sa pagsugod sa kanya sa ospital, napag-alamang nagkaroon si Sosa ng fractured cheekbone na magpahinto sa kanya sa pag-akyat sa boxing ring sa loob ng lima hanggang anim na buwan.
Ang rematch lamang ang makakapaglinis ng pangalan ni Mayol, ayon sa manager ni Sosa na si Jacques Deschamps. (Russell Cadayona)