Ateneo humugot ng playoff vs FEU
MANILA, Philippines - Binuweltahan ng Adamson ang St. Benilde nang padapain nito sa pamamagitan ng 25-17, 25-15, 25-10 upang angkinin ang No. 3 spot sa semifinal round habang iginupo naman ng Ateneo ang University of Santo Tomas, 25-11, 25-18, 17-2 5, 19-25, 15-11 para ipuwersa ang playoff para sa huling semis slot laban sa Far Eastern University sa Shakey's V-League Season 6 sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Bagamat magkasosyo sa ikatlong pwesto na may 7-5 kartada, inokupahan ng Lady Falcons ang ikatlong silya dahil sa mataas nitong tie break score.
Paglalaban ng Lady Eagles at Lady Tamaraws ang huling tiket sa semis sa one-game playoff bukas.
Nagbalik ang porma ng alumna na si Charo Soriano, kinontrol ng Lady Eagles ang unang dalawang sets ngunit pumasok si Aiza Maizo para ibangon ang Tgresses sa sumunod na dalawang set at maitak-da ang decider.
Nagpakawala ang Lady Eagles ng apat na sunod na puntos kabilang ang block n Dzi Gervacio para wasakin ang 11-all na pagtatabla at maangkin ang pinakaimportanteng panalo na nagbigay ng tsansa sa Lady Eagles sa semis.
Nag-iinit sa paghampas, binanderahan ng magandang si Angeli Tabaquero ang UST sa kanyang hinampas na 22 hits habang umiskor naman sina Maru Banaticla at Rhea Dimaculangan ng tig-11 puntos.
Tumipa ng 21 kills at 24 points si skipper Angela Benting habang nagdagdag ng 16 at 10 hits sina Paulina Soriano at Angelica Quinlong, para sa Adamson na umaasam na mapaganda ang third place korona sa nakalipas na kumperensya.
Para sa Blazers, kumolekta si Giza Yumang ng 11 hits subalit kinapos sa suporta kung kaya’t nalaglag ito na may 3-9 marka.
Dinurog ng Adamson ang St. Benilde, 48-19 at tumapos ng 11 blocks kontra sa anim na tala ng kalaban para sa isang oras na engkwentro. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending