MANILA, Philippines - Mainit ang mata para sa three way tie kasama ang Far Eastern University, pursigido ang Adamson at Ateneo OraCare na ipu-wersa ang kani-kanilang panalo sa magkahiwalay na laban para sa pagtatapos ng quarterfinal round ng Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena, San Juan City.
Angkin ang parehong 6-5 marka, pipilitin ng Lady Falcons at Lady Eagles na mahabol ang pwestong kinalagyan ng Lady Tams at pumunta sa third place ng semis.
Sa pagitan ng dalawang koponan, mas malakas ang tsansa ng Adamson dahil makakatunggali nito ang napatalsik na St. Benilde sa ganap na alas-2 ng hapon.
Habang kinakailangang mag-ipon ng lakas ng Ateneo upang madurog nito ang nangungunang UST, na unang nakakuha ng semis berth dahil sa impresibong 10-1 baraha, dakong alas kwatro ng hapon.
Upang makuha ang No.3 seat, nararapat malimitahan ng Adamson ang St. Benilde sa kabuuang 56 points kasama ang FEU at Ateneo na kailangang magwagi sa UST upang maangkin ang huling pwesto sa semis sa pamamagitan ng one game playoff.
Matagumpay na maitatakas ng Eagles ang third spot kung mapipigilan nito ang Tigresses hanggang 51 points para sa torneong hatid ng Shakey’s Pizza.
Sasalubungin ng lakas nina Fille Cainglet, Angeline Gervacio, Denise Acevedo at Gretchen Ho, sa kabila ng kawalan ni alumna Charo Soriano, ang husay ng UST na pinamumunuan nina Aiza Maizo, Angeli Tabaquero, Maika Ortiz at Maruja Banaticla. (Sarie Nerine Francisco)