MANILA, Philippines - Bilang pagkilala sa pambihirang galing na pinamals sa nagdaang season, lumutang ang pangalan ng limang mahuhusay na manlalro na bumandera sa kani-kanilang grupo upang arukin ang inaasam na tagumpay.
Dahil sa tikas at pagpupursige, napili sina Dylan Ababou ng UST, John Wilson ng JRU, Rabeh Al Hussaini ng Ateneo, Jimbo Aquino ng San Sebastian at Sudan Daniel ng San Beda na parangalan ng UAAP-NCAA Press Corps para sa 2009 Collegiate Basketball Dinner Awards Party sa Linggo ng gabi sa Kamayan EDSA, Greenhills.
Kasama nila, aakyat rin sa entablado upang tumanggap ng parangal sina coach Norman Black ng Ateneo at Ato Agustin ng San Sebastian na hinirang na Coach of the Year para sa event na suportado ng Philippine Sports Commission na pinamumunuan ni Harry Angping, Accel, FilOil-Flying V at San Miguel Corporation.
Tinanghal na Most Valuable Player sina Ababou para sa UAAP na umiiskor ng 18.9 points kada laro, at John Wilson na nagningning sa pamamgitan ng kanyang 19.2 points rekord para sa Heavy Bombers.
Gayundin, hindi rin matatawaran ang gilas ni Al Hussaini na gumiya sa Blue Eagles patungo sa ikalawang sunod na kampeo-nato. Bagamat nadiskwalipika sa pagtanggap ng award dahil sa nagawang paglabag, bumandera pa rin si Jimbo Aquino nang pangunahan ang Stags sa pag-abot ng tagumpay.
Humalili sa nawalang posisyon ni Nigerian Sam Ekwe, bumulusok si Sudan Daniel para palakasin ang pwersa ng Red Lions at isulong ang kontensyon sa titulo.
Kabilang sina Jervy Cruz, Rico Maierhofer, Ekwe, Mark Borboran, Kelvin dela Peña, Jason Ballesteros at Yousif Aljamal sa mga pangalang lumutang para sa Collegiate Mythical Five. (Sarie Nerine Francisco)