MANILA, Philippines - Bukod sa ikaapat na sunod na panalo, asam ng Barangay Ginebra ang makatabla sa liderato nga-yon sa pakikipagsagupa ng Gin Kings sa Sta. Lucia sa pagpapatuloy ng KFC PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Ito na ang pinakamagandang simula sa All Filipino tourney ng Gin Kings simula pa noong 2007 season at ang panalo sa kanilang alas-7:30 ng gabing laban sa Realtors ay maglalapit sa kanila sa isang franchise record.
Ang Ginebra team noong 1997 season na kilala pang Gordons Gin sa ilalim ng alamat na si playing coach Robert Jaworski ay nagtala ng 7-1 kartada na simula ng All Filipino Cup na siyang pinupuntirya ng kasalukuyang Ginebra team.
Ang Gin Kings ay nasa ikalawang puwesto taglay ang 5-1 record sa likod ng nangungunang Alaska na may 6-1 kartada, kasunod ang San Miguel Beer na may 6-2 record.
Sa likod ng magandang kapalarang tinatamasa ng SMBeer, may pangamba si coach Jong Uichico. “Sta. Lucia is just getting its bearings. They get things done,” aniya.
Samantala, maghaharap naman ang mga naghihikahos na Burger King at Coca-Cola sa pambungad na laro, alas-5:00 ng hapon.
Nasa kanilang pinaka-mahabang losing streak sa ilalim ni Yeng Guiao at marahil sa larong ito ang pinakamagandang tsansa ng Whoppers na matuldukan ang three game losing streak.
Itoy dahil hindi pa rin maglalaro si Asi Taulava para sa Tigers dahil sa malalang foot injury.
Ang kaisa-isang panalo ng Coke na may 1-4 record ay laban sa Purefoods.
Habang ang tanging panalo ng Burger King na may 1-5 kartada ay sa Rain Or Shine. (Mae Balbuena)