MANILA, Philippines - Nakabangon mula sa unang set na pagkatalo, winalis ng University of Santo Tomas ang sumunod na tatlong set upang ihampas ang 14-25, 25-23, 25-18, 25-20 panalo at masungkit ang unang semifinals berth noong Biyernes ng gabi sa Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena sa San Juan City.
Muling bumandera ang skipper na si Aiza Maizo na pumalo ng season-high 27 hit output habang nagtulong sina Maika Ortiz at Angeli Tabaquero sa pinagsamang 25 puntos nang bumalikwas ang Tigresses mula sa 1-3 kabiguan sa San Sebastian Lady Stags noong Martes upang ipormalisa ang kanilang susunod na biyahe.
Ang first conference champion, na winalis ang elimination ng torneo na hatid ng Shakey’s Pizza, ay magtatangkang patatagin ang kanilang pangunguna sa kanilang pakikipagharap sa St. Benilde Lady Blazers sa pagbabalik ng aksiyon sa quarterfinals ngayon.
Ang takdang oras ay alas-4 ng hapon na ang Lady Blazers ay nakayukyok sa 3-6 baraha, at naghahangad na manatiling buhay ang pag-asa sa playoff ng huling puwesto sa semis.
Samantala, puntirya naman ng FEU Lady Tamaraws ang ikalawang semifinals slot sa kanilang pakikipagtipan sa San Sebastian, bandang alas-6 ng gabi sa tampok na laro na inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Accel, Mikasa, Mighty Bond at OraCare. (Sarie Nerine Francisco)