3rd win asinta ng RP Patriots vs KL Dragons
MANILA, Philippines - Tangka ng Philippine Patriots na maka-tatlong sunod na panalo sa pakikipagsagupa sa nahihirapang Kuala Lumpur Dragons sa pagpapatuloy ng ASEAN Basketball League (ABL) ngayon sa MABA Stadium sa Malaysia.
Bitbit ang matamis na panalo sa dating walang talong Singapore Slingers, ang Patriots ang paboritong manalo laban sa Dragons, na hindi pa rin maka-limot sa masaklap na pagkatalo sa Thailand.
Mula sa impresibong performance nina Elmer Espiritu at American import Brandon Powell, dinurog ng Patriots ang Slingers, 70-53, upang sumulong sa 3-1 record na naglagay sa kanila sa solo second spot.
Tumapos si Espiritu, former University of the East standout, ng seven points – na itinala nito sa final quarter habang nagsumite si Powell ng team-high 14 points upang tulungan ang Patriots na makaganti sa 74-69 pagkatalo sa Slingers noong Oct. 18.
Ang panalo ng Patriots na co-owned nina Harbour Centre CEO Dr. Mikee Romero at businessman Tony Boy Cojuangco ang magbibigay sa kanila ng karapatang saluhan ang Slingers sa liderato.
Sa likod ng kanilang two-game winning run, ayaw ni Patriot's multi-titled coach Louie Alas na mawala sa focus ang kanyang team lalo pa’t nais ng Dragons na makabangon sa 88-71 pagkatalo sa Thailand Tigers noong Lunes sa Nimibutr National Stadium sa Thailand.
Hindi rin sigurado si playmaker Froilan Baguion na maging starter dahil sa knee injury ngunit sinabi ni Alas na ipinasok na nila sa line-up si John Paul Alacaraz, dating Letran hotshot at PBL veteran, para makatulong ni Warren Ybañez na pangasiwaan ang opensa ng team. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending