MANILA, Philippines - Aasintahin ang ikalimang sunod na titulo sa men’s senior competition ng 28th Philippine Columbian Association (PCA) Open, hinuhubog ni top seed Johnny Arcilla ang kakayahan upang makapagpakitang-gilas sa PCA indoor clay-shell court sa Plaza Dilao, Paco, Maynila.
Para simulan ang paglalakbay patungo sa titulo, hahamunin ni Arcilla ang malakas na kalaban na Filipino-American na si Lawrence Formentera mula sa Los Angeles at Marc Reyes ng Italy.
Ang iba pang mga manlalarong aabangan sa men’s division ay kinabibilangan nina Philippine Lawn Tennis Association vice president Randy Villanueva, Lolito Abadia, Roderick Agna, Miguel Narvaez, Fritz Verdad, Charlie Niu, Richard Inciong at Gregorio Deofilo.
Para naman sa women’s division, pinaghahandaan ni top seed Bambi Zoleta ang posibleng pakikipagtipan nito sa four-time PCA Open champion Maricris Fernandez at Fil-American Riza Zalameda sa Martes.
Sa naturang kompetisyon, inaasahang babandera rin ang husay nina Louise Alexandra Lopez, Zhane Quitara, Maria Akita San Andres at Mary Grace Rivero.
Ang magwawagi sa men’s division ay mag-uuwi ng tumataginting na P100,000 na papremyo habang para sa ladies’ singles titlist ay paparangalan ng P50,000 para sa torneong handog ng Pera Padala, Alagang Cebuana Plus, Just Jewels, Le Soleil De Boracay, Phiten, Accel, Coca Cola Bottlers, Dunlop, San Miguel, Universal Paint, Pagcor, Pet One, Little Lawrence, Babolat, Philta, Whirlpool, Pixel Project, Burlington Sports Socks, RFM Corp at Shirt Republik.
Kabilang rin ang Manila Bulletin, Business Mirror, The Manila Times, Malaya, Trubune, Philippine Star at Solar Sports bilang mga Media Sponsors. (Sarie Nerine Francisco)