11 gold medals mula sa boxing, billiards & snooker at karatekas
MANILA, Philippines - Kung pagsasama-samahin, aabot sa 11 gold medals ang maiuuwi ng mga women boxers, billiards and snooker players at karatekas sa darating na 25th Southeast Asian Games sa Laos.
Tatlo hanggang apat na gintong medalya ang ipinangako ng coaching staff ng women's boxing, habang apat hanggang lima sa billiards and snooker at isa hanggang dalawa sa karatedo.
"Based on what I saw in Hanoi, we can win three to four golds,” wika ni national women boxing coach Glicerio Catolico kahapon sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey's sa U.N. Avenue, Manila na suportado ng Accel, Outlast Battery at Pagcor.
Kung mayroon mang magiging hadlang sa naturang layunin ng mga women fighters, ito ay ang Thailand at Vietnam, ayon kay assistant coach Roel Velasco.
Ipaparada ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) sa 2009 Laos SEA Games sina pinweight Josie Gabuco, flyweight Annie Albania, light flyweight Alice Kate Aparri at lightweight Mitchel Martinez.
Si Albania ang sumuntok ng gold medal sa nakaraang 3rd Asian Indoor Games sa Vietnam, habang silver at bronze medal naman ang kinuha nina Martinez at Gabuco, ayon sa pagkakasunod.
Si Albania lamang ang tanging atleta ng ABAP na sumikwat ng gintong medalya sa 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Muli namang pamumunuan nina world champions Efren “Bata” Reyes, Alex Pagulayan, Ronnie Alcano at Rubilen Amit ang kampanya ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP) sa 2009 Laos SEA Games.
Kagaya ng BSCP ni Arturo "Bong" Ilagan, tiwala rin ang Philippine Karatedo Federation (PKF) sa ipapakita ng mga karatekas sa ilalim ni Japanese coach Yazuo Hanzaki.
“He’s very meticulous in changing what athletes are doing,” wika ni coach David Lay kay Hanzaki, isang sixth degree blackbelt holder. “He provides a very good mindset on doing the basics properly. He has corrected a lot of things, he’s a very keen observer.”
Si 2006 Doha Asian Games silver medalist Ma. Marna Pabillore ang gigiya sa karatedo team katuwang si SEA Games individual kata silver medalist Noel Espinosa. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending
















