LA police hiningan ng tulong
MANILA, Philippines - Naglagay ng harang ang Los Angeles Police Derpatment sa pagitan ni Manny Pacquiao at ng kanyang hindi mabilang na fans.
“We call it crowd management,” wika ng isang Los Angeles police officers na rumesponde sa tawag noong Sabado ng hapon makaraang dumagsa ang mga fans sa labas ng Wild Card Gym na pinagsasanayan ni Pacquiao.
Ang mga police officers ay dumating ng bandang alas-4 ng hapon sakay ng tatlong mobile units at nasorpresa sa dami ng mga tao na bawat isa ay umaasam na makita si Pacquiao.
“Who’s this guy again?” tanong ng isang officers sa kanyang kapwa pulis na tila hindi alam ang kasikatan ni Pacquiao at ang pagtanggap sa reigning pound-for-pound champion.
Nasa labas ang lahat ng fans ni Pacquiao habang nasa loob ito ng gym kung saan araw-araw siyang nagsasanay na isang normal na senaryo sa Hollywood. Pero noong Sabado, masyadong dumami ang mga tao kaya napilitan nang tumawag ng tulong sa LAPD para sa crowd management.
“It was the first time we took this call so we had to step in,” anang LAPD officer na nagsabing siya ay isang Filipino, na katunayan ang nametag niyang Delos Reyes.
Dahan-dahan lang na inilayo ng mga pulis ang mga tao palabas ng parking lot upang maging maluwag ang daraanan ni Pacquiao at ng kanyang entourage na sakay ng ilang itim na SUVs.
Sinabihan ang mga fans ni Pacquiao na manatili lamang sa yellow line hanggang makaalis ang boksingero sa kalapit na Nike store kung saan gumawa ito ng promotional exercise. (AC)
- Latest
- Trending