HANOI – Naputol ang produksiyon ng gold medal mula sa muay delegation sa Asian Indoor Games matapos lumasap ng pagkatalo si women's flyweight Maricel Subang sa Thailander na si Konnika Nuanboriboon na nagkasya lamang sa silver sa pagsasara ng third staging ng AIG sa Rach Mieu Gymnasium sa Ho Chi Mihn City.
Hindi nakita sa score ang magandang labang ibinigay ng 25-gulang na tubong Abatan Buguias Benguet sa 51-kilogram division kontra sa 18 anyos na kalaban, ang champion sa 1st Asian Martial Arts Games sa Bangkok noong Agosto.
Dinomina ni Nuanboriboon ang first round ngunit bumawi si Su-bang at maganda ang kanyang naging blocking sa mga pakawala ng kalaban at may mga naikonekta rin itong mga combinations at straight sa ulo ni Nuanboriboon na hindi nabigyan ng puntos.
Ang three-man muay team ay nagtapos na may silver at dalawang bronze medals kaya walang gold ngayon ang muay's na siyang nagkaloob ng ginto sa huling dalawang edisyon ng AIG. Ang muay ay naghatid ng gold noong 2005 Bangkok at 2007 Macau editions.
Sina Zaidi Laruan at Jay Harold Gregorio ay naka- bronze sa lightweight at welterweight divisions.
Dahil sa silver ni Subang ang Philippines ay mayroon nang isang gold, apat na silver at limang bronze medals.
Si Miguel Molina na lamang ang natitirang lalaban sa final day ng competition matapos makapasok sa finals nang maging seventh overall ito sa 100m individual medley sa oras na 57:03 seconds .
Sumabak din ito sa 100m freestyle at nagtapos lang bilang 10th place sa oras na 50.40 seconds.