MANILA, Philippines - Lalaro pa rin ang Smart-Gilas RP Team bilang guest team sa PBA Philippine Cup ngunit wala nang bearing ang kanilang mga games at gagamitin na ang amateur rules sa kanilang mga laro.
Ito ang napagkasun-duan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at ng PBA.
Higit na makakatulong sa training ng national youth pool ang bagong set-up para sa kanilang pagha-handa sa mga up coming international events.
Dahil wala nang bearing ang kanilang mga laro, babawiin na rin sa bilang ng standing ang mga panalo ng kanilang mga nakalabang Burger King (105-115), Barangay Ginebra (72-100) at defending all-Filipino champion Talk ’N Text (70-103).
Hindi na rin isasama sa stadings ang resulta ng kanilang mga laro. kabilang ang kanilang laban nga-yong alas-2:30 ng hapon kontra sa Coca-Cola sa Cuneta Asatrodome sa Pasay City.
Bagamat FIBA rules na ang gagamitin, 48 minutes pa rin ang oras ng buong laro at hindi ang amateur 40 minutes o 10 minutes per quarter.
Pinayagan ng PBA na gamitin ng Smart Gilas ang 18-man roster pero 12 players bawat laro kaya makakalaro pa rin si American import CJ Giles, kandidato ng naturalization, na isa sa dahilan ng pagbabagong ito matapos hindi lumaro sa huling dalawang games ng Gilas Team. Lalaro din sa Smart Gilas sina Junmar Fajardo ng University of Cebu, Greg Slaughter at Paul Lee ng University of the East.
Hangad naman ng Alaska ang ikalimang sunod na panalo upang higit na magningning sa tuktok ng team standings sa pakikipagharap sa Burger King sa alas-5:00 ng hapon.
Sa ikatlo at huling laro, maghaharap naman ang Ginebra at Barako Bull sa dakong alas-7:30 ng gabi. (Mae Balbuena)