MANILA, Philippines - Hindi kakatok si Manny Pacquiao sa bintana ni Floyd Mayweather o mag mamakaawang labanan siya.
Mas lalong hindi kai-langan ni Pacquiao si Mayweather para sa susunod niyang laban. Hindi kung ayaw ng mayabang na Amerikano magkasundo sila sa nais ng Pinoy ring icon.
“Of course we want to do Mayweather. But we won’t be railroaded and pushed around, bullied around,” wika ng Canadian adviser ni Pacquiao na si Mike Koncz, sa Digital Journal kahapon mula sa Los Angeles.
Hindi lamang si Koncz ang nakakaramdam nito kundi maging si Pacquiao mismo, ang kanyang trainer na si Freddie Roach at maging ang promoter na si Bob Arum. Lahat sila ay naniniwalang ang laban kay Mayweather, kung mangyayari man ay sa ilalim ng gustong termino ni Pacquiao.
Tinawag ni Arum si Mayweather, ang undefeated ex pound-for-pound champion na ilusyunado sa pagsasabing nais nitong makakuha ng mas malaking hati, 60-40, kung lalaban siya kay Pacquiao sa susunod na taon.
Sinabi naman ni Roach na hindi matutuloy ang laban na ito dahil sa problema sa pera habang sinabi naman ni Pacquiao na pera lamang ang habol ni Mayweather at hindi ang magandang laban na nais masaksihan ng buong mundo.
Ipinahayag ni Koncz na dapat mamili na lang si Mayweather kina Shane Mosley o Julio Cesar Chavez. Ang anumang laban ay magi-ging malaki basta nasa kabilang dulo si Pacquiao.
Gusto rin ni Pacquiao ng mas malaking bahagi kung lalaban siya kay Mayweather at minsan sinabi ni Arum na hindi rin parehas kahit ang 50-50 na hatian sa Amerikano.
Sa kaagahan ng taon, sinabi ni Mosley na gusto niyang labanan si Pacquiao at payag sa 40 percent kasabay ng pagtataya ng kanyang WBA welter crown sa catchweight na 145 lbs o mas mababa pa.
Hindi pa natatalo si Pacquiao sa apat na taon at walong buwan, hindi pa sapul nang matalo ito sa madugong desisyon kay Erik Morales noong Marso 2005 sa MGM Grand, ang lugar ng pakikipagkita niya kay Miguel Cotto sa Nov. 14.