Ang lahat ng koponang kalahok sa 2009 KFC-PBA Philippine Cup ay may go-to guy. Or go-to guys. Sa crunch time, asahan mong ang bola ay mapupunta sa kamay ng mga ito at sila ang siyang bahala sa kapalaran ng kani-kanilang koponan.
Ganoon talaga ang sistema kahit na sa isang team game na tulad ng basketball.
Halimbawa, sa kampo ng Alaska Milk, kapag kailangang-kailangan ng Aces na umiskor, tiyak na si two-time Most Valuable Player Willie Miller ang kanilang pupuntahan. Sa Purefoods, natural na si James Yap ang siyang sasandigan ng Giants. O kaya’y si Kerby Raymundo. Sa San Miguel Beer, ang bagong go-to guy nila ay si Arwind Santos na nakuha buhat sa Burger King. At syempre, sa Barangay Ginebra, naghahari si Jayjay Helterbrand na siyang reigning MVP.
Pero sa Barako Bull, tila walang go-to guy!
Kung titignan ang scoring average ng Energy Boosters matapos ang apat na laro, aba’y wala ni isa sa kanila ang may average ng double figures.
Sa unang game nila kontra Alaska Milk ay tila mapupunta sana ang "distinction" na iyon kay Yousif Aljamal na nagtala ng career-high sa scoring (18 puntos) at rebounding (15 reounds). Pero hindi na niya naulit pa ang "monster performance" na iyon.
Pagkatapos ng dalawang games kontra Aces at Coca-Cola Tigers, si Jojo Duncil naman ang animo’y magiging go-to-guy ng Barako Bull dahil sa nag-average siya ng double figures (12.0). Pero lumaylay din ang kanyang performance pagkatapos nun.
Well, sa huling dalawang games ng Energy Boosters kontra Purefoods at Rain or Shine, ang team captain nilang si Alex Crisano ang siyang nag-step up naman. Kontra sa Purefoods, si Crisano ay nagtala ng 13 puntos at 10 rebounds. Laban sa Rain or Shine siya ay gumawa ng 14 puntos at limang rebounds.
Dito’y masasabing nais talagang pangatawanan ni Crisano ang pagiging team captain niya. Kasi nga’y bilang team captain, ikaw ang titingalain ng mga kakampi mo. Sa iyo sila huhugot ng lakas kapag crunch time.
Mabigat ang responsibilidad ni Crisano sa taong ito. Ngayon pa lang niya gagampanan ang ganitong papel buhat nang una siyang maglaro sa Nueva Ecija Patriots sa defunct Metropolitan Basketball Association.
Matapos ang apat na games, si Crisano ay nag-average ng siyam na puntos at 7.5 rebounds. Pareho sila ng average ni Aljamal. Si Duncil ay mayroong 8.5 puntos at 3.5 rebounds.
Sa puntong ito’y naghahanap pa talaga ng go-to guy ang Barako Bull. No doubt about that.
Ang maganda nga lang dito’y habang naghahanap pa sila’y hindi naman sila bokya. Kasi, nakapagtala na sila ng dalawang panalo sa apat na games.
Biruin mo iyon. Wala silang go-to guy pero may dalawang panalo sila!
Aba’y achievement na ring maituturing iyon.
* * *
Belated birthday greetings kina Olsen Racela, Bong Barrameda, coach Joe Lipa at Cesar Malapitan na nagdiwang ng kanilang kaarawan kahapon, November 1.