Formula ng Tagumpay
Somehow ang karamihan ng mga sumusubaybay sa 2009 KFC-PBA Philippine Cup ay hindi nabahala sa masamang simula ng San Miguel Beer na nadapa sa unang dalawang games ng torneo.
Para kasing tinitimpla pa ni coach Bethune Tanquingcen ang kanyang formula at nangangapa pa ang kanyang mga bagong recruits. O kaya’y hindi pa nauunawaan ng mga datihang stars ang pagbabago sa kanilang roles papasok sa kasalukuyang season.
Alam kasi natin na sa pagdating ni Arwind Santos, na nakuha ng San Miguel Beer buhat sa Burger King, malamang na ito na ang maging main man ng Beermen simula ngayon hanggang sa susunod pang seasons.
Bata pa si Arwind na pumasok sa PBA noong 2006-07 season bilang second pick overall ng Draft ng Air 21 Express matapos na sungkitin ng Sta. Lucia bilang top pick ang Fil-Am na si Kelly Williams.
Sa totoo lang, sina Williams at Santos ay mga manlalarong Magnolia na siyang farm team ng San Miguel sa Philippine Basketball League. Alinman sa dalawang ito’y kursunada ng San Miguel Beer na kunin para sa pro team.
Pero hindi nga hawak ng Beermen ang alinman sa top two picks at sa halip ay kinuha ng San Miguel sina Gabby Espinas at LA Tenorio sa first round.
Well, matiyagang hinintay ng San Miguel ang pagkakataong masungkit si Santos buhat sa Burger King at nangyari nga iyan sa nakaraang off-season. Worthwhile naman ang paghihintay dahil sa malaking-malaki na ang improvement sa laro ni Santos na siyang main man ng Burger King sa nakaraang taon. Katunayan, si Santos ay isang top contender para sa Most Valuable Player award na eventually ay napanalunan ni Jayjay Helterbrand ng Barangay Ginebra.
Sa paglipat niya ng team, handang-handa na si Santos na maging take-charge guy ng San Miguel. At bago pa man nagsimula ang season, marami ang nagsabing tama ang move na ito ng Beermen. Kasi nga’y hindi na bumabata ang mga tulad nina Danny Ildefonso at Danny Seigle na siyang naging mala-king dahilan ng mga tagumpay na naranasan ng prangkisa sa nagdaang mga seasons.
Pero natalo nga ang Beermen sa Barangay Ginebra (98-86) at Alaska Milk (85-74) sa unang dalawang games nito dahil hindi pa pulido ang kanilang sistema.
Well, dalawang games lang naman ang kinailangan nila para makapag-adjust. Naitala nila ang unang panalo nang payukuin nila ang Burger King, 117-99. Doon ay ipinakita ni Santos sa kanyang dating team ang tunay niyang halaga.
At noong Miyerkules ay ipinalasap ng San Miguel sa Talk N Text ang una nitong pagkatalo, 100-90. Statement win iyon dahil ang Tropang Texters ang siyang nagtatanggol na kampeon sa torneo.
Balik na ang buti ng Beermen at malamang andap na ang iba.
- Latest
- Trending