Kazakh boxer nakatikim kay Albania
Hanoi – Maganda ang naging panimula ni Southeast Asian Games gold medalist Annie Albania para sa Philippines nang iukit nito ang 15-5 panalo laban kay Na Zhai ng Kazakhstan sa pagbubukas ng women’s boxing sa 3rd Asian Indoor Games sa Bah Ninh Gymnasium.
Masyadong malakas ang 27 anyos na bantamweight na si Albania, na silver medalist din sa 2008 World Women’s Boxing championship para sa kanyang mas batang kalaban nang kontrolin nito ang buong laban.
Dalawang malalakas na right straight sa first round ang ikinonekta ni Albania para sa 2-0 abante at umiskor ng apat pang sunud-sunod bago ibigay ang one-two combination at tapusin ang ikalawang round sa 6-2.
Dito pa lamang ay nagpaghiwatig na si Albania nang higit na naging agresibo ito sa sumunod na dalawang rounds upang iselyo ang upuan sa quarterfinal showdown kay Meng Chieh Pin ng Chinese-Taipei, na nagwagi naman kay Aya Shimmimoto ng Japan, 10-9.
Dalawa pang Pinay boxer ang aakyat sa ring sa pakikipagpalitan ng suntok nina flyweight Alice Kate Aparri at 17-year old featherweight Nesthy Petecio kina Mei Lin ng China at Tassamalee Thong Jan ng Thailand, ayon sa pagkakasunod.
Samantala naisubi ni light welterweight Mitchel Martinez ang bronze medal nang walang hirap bunga ng magandang draw.
Aasintahin ni Martinez ang silver at posibleng gold sa kanyang pakikipaglaban kay Vietnamese Vui Nguyen Thi sa November 2.
Magdedebut naman si pinweight Josie Gabuco kontra kay Weng Chan Cho ng Macau sa November 1.
- Latest
- Trending