MANILA, Philippines - Matapos tanghalin bilang bagong world super flyweight champion noong Setyembre, handang-handa na muli si "Marvelous" Marvin Sonsona na umakyat sa boxing ring para sa kanyang unang title defense.
Sa panayam ng GMA News Cebu kahapon kay trainer Nonito "Mang Dodong" Donaire, Sr. sa kanilang training camp sa Mandaue City, sinabi nitong nasa 70 porsiyento na sa kanyang kondisyon ang 19-anyos na si Sonsona.
“Sa tingin ko 70 percent na siya. By the time na umalis kami for Canada, nasa 110 percent shape na siya," wika ni Donaire, ama ni world flyweight titlist Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr.
Tinalo ni Sonsona ang 34-anyos na si Jose "Carita" Lopez via unanimous decision upang agawin sa Puerto Rican ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) super flyweight crown sa Ontario, Canada.
Nakatakdang idepensa ni Sonsona ang kanyang WBO belt laban kay Mexican challenger Alejandro "Payasito" Hernandez sa Nobyembre 21 sa Casino Rama sa Ontario, Canada.
Bibiyahe ang Team Sonsona patungong Canada sa Nobyembre 13.
Ibinabandera ng tubong General Santos City na si Sonsona ang 14-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, habang taglay naman ni Hernandez ang 22-7-1 (11 KOs) slate.
Nasa undercard ng Sonsona-Hernandez championship fight ang laban ni WBO Oriental super bantamweight champion Ciso "Kid Terrible" Morales (13-0, 8 KOs) kay Mexican Miguel Angel Gonzalez Piedras (10-1, 4 KOs).
Ito ang unang pagkakataon na lalaban ang 21-anyos na tubong Bohol na si Morales sa labas ng bansa. (Russell Cadayona)