MANILA, Philippines - Magkasunuran ng piyesa sa liga, kapwa susunggaban ng San Sebastian at Ateneo-Oracare ang panalo kontra sa kani-kanilang kalaban para sumiguro ng pwesto sa quarterfinal round ng Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena, San Juan City.
Magkaiba ang pinangga-lingan, parehong pursigido ang dalawang koponan para ibandera ang husay ng bawat isa. Natalo ang San Sebastian sa kamay ng FEU Lady Tams sa isang dikitang five setter game habang pinayukod naman ng Lady Eagles ang Lyceum Lady Pirates kamakailan.
Bagamat nalugmok, nananatiling nakahawak ang reigning five time NCAA champion SSC sa pag-asang humabol sa karera sa pamamagitan ng 2-1 baraha nito at aasang huhugot ng isa pang tagumpay sa pakikipagsagupa nito sa Lyceum sa ganap na 4pm para sa ligang hatid ng Shakey’s Pizza.
Bago ang tampok na laro, masasaksihan ang bakbakan ng Ateneo at St. Benilde ng 2pm na pursigio ring maatim ang panalo para sa torneong organisado ng Sports Vision at suportado ng Accel, Mikasa, Mighty Bond at OraCare.
Samantala, bunga ng magandang rekord, kampante na ang UST (5-0) at FEU (5-1) sa susunod na round, na naghihintay na lamang ng apat na koponang makakasama sa isa pang single round robin elims.
Sa hamunan ng magkaribal na kolehiyo, inaasahang magi-ging mainit ang tapatan ni Fille Cainglet ng Ateneo at Giza Yumang ng St. Benilde na determinadong mapatunayan ang galing matapos na magpakawala ng 23 points sa nakalipas na laban.
Subalit hindi rin mawawalan ng suporta ang buong grupo ng Lady Eagles na dadaanin sa solidong rotation nina Gretchen Ho, Denise Acevedo, Angeline Gervacio, Jamenea Ferrer, Bea Pascual, Averil Paje at alumna guest player Charo Soriano.
Ang laban ay mapapanood ng live sa www-v-league.ph at sa NBN-4 sa delayed telecast. (Sarie Nerine Francisco)