MANILA, Philippines - Kung ang pagiging politiko ang hangad ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa kanyang pagreretiro, ang pagpasok naman sa music industry ang puntirya ni world flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr.
Sinabi ng 26-anyos na si Donaire na bago pa man niya pasukin ang mundo ng boxing ay ang pagkanta na ang kanyang kinahumalingan.
“Open ako doon kasi for me music talaga inspires me to do my best at kung makatulong ako with my boxing and my music to inspire the people, gagawin ko ang lahat,” ani Donaire.
Noong nakaraang linggo ay natanggal na ang tubong Talibon, Bohol sa season 2 ng “Celebrity Duet” sa GMA Channel 7.
“In a way para akong artist kasi mahilig ako sa mga painting, mahilig ako sa mga sketching and music itself is something that inspires to do my best,” sabi ni Donaire.
Sa pagkakasibak niya sa “Celebrity Duet”, inaasahang pag-uukulan ni Donaire ng pansin ang pagsasanay para sa susunod niyang laban.
Si Donaire, nagbabandera ng 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, ang kasalukuyang flyweight champion ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO).
Idinagdag ni Donaire ang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight title makaraang talunin si Puerto Rican Rafael “El Torito” Concepcion via unanimous decision noong Agosto 15 sa Hard Rock Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Si Armenian Vic “The Raging Bull” Darchinyan, inagawan ni Donaire ng IBF at IBO flyweight belts via fifth-round TKO noong Hulyo ng 2007, ang may hawak ng lehitimong WBA super flyweight crown. (RCadayona)