MANILA, Philippines - Mula sa isang nakakasorpresang panalo ng Far Eastern University kontra San Sebastian College, susunod na bibiktimahin ng Lady Tams ang College of St. Benilde sa isang maaksyong laban upang mahugot ang second quarterfinal berth ng Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena sa San Juan ngayon.
Winalis ang five time NCAA champion na Lady Stags sa pamamagitan ng five setter game kamakailan.
Para sa pang-alas dos na laban, pipilitin ng Morayta based squad na sumunod sa yapak ng UST Tigresses na nananatiling makapangyarihan sa tuktok.
Buhat sa paninimdim mula nang maagaw ng Lady Stags ang korona sa sudden death match, at makuha ang kanilang unang panalo sa Lyceum Lady Pirates.
Matapos ang back to back setbacks, determinadong sumikad para maabot ang inaasam na kampeonato, dodoblehin ng Lady Blazers ang pagkayod upang mapigilan ang FEU at mapainam ang kanilang baraha sa ligang hatid ng Shakey’s Pizza.
Humampas ng kanyang career high 23 points, inangat ni Cherry Vivas ang koponan, katulong sina Monique Tiangco, Rose Cabanag, Rachel Daquis at Shaira Gonzales upang pataubin ang San Sebastian.
Samantala, aasa ang St. Benilde sa solidong performance nina Katty Kwan, Giza Yumang, Zharmaine Velez, Ren Agero at guest player Rossan Fajardo para banderahan ang kalaban.
Asam ang pagresbak mula sa pagkabigo, babawi ang Ateneo OraCare sa pagbunton nito sa Lyceum sa tampok na laban ng twinbill sa torneong inorganisa ng Sports Vision.
Mapapanood ang laban sa pagitan ng FEU at St. Benilde sa delayed telecast dakong alas-2 ng hapon bukas habang ieere naman ang Ateneo-Lyceum match sa Huwebes.
Makalipas ang pag-rereyna sa hard court nang tapakan ang University of the Phils., nanghina ang kalibre ng Ateneo nang magkasunod itong lumuhod sa FEU at UST, dahilan ng pagkakalaglag nito sa ikalimang pwesto, kasosyo ang St. Benilde.
Subalit nakabangon nang gapiin ang Lady Pirates.
Upang muling buhayin ang kontensyon, isusulong nina Fille Cainglet at alumna Charo Soriano ang layon ng tropa.
Sasandig rin ang tropa sa likod nina Denise Acevedo, Gretchen Ho at Bea Pascual.
Para sa Lyceum, isang hamon kina Joy Cases, Jamie Pena, Nica Guliman at Syvie Artates ang kasalukuyang estado ng koponan kung kaya’t tatrabahuhin nitong humabol at kumuha ng silya sa ligang suportado ng Accel, Mikasa, Mighty Bond at OraCare. (SNF)